MANILA, Philippines - Nagbabala kahapon si Philippine National Police (PNP) Chief P/Director General Ronald “Bato” dela Rosa sa mga pulis na huwag tatanggap ng payola sa illegal gambling.
Ito ang kanyang inihayag sa pagbisita sa himpilan ng Cordillera Police sa Camp Bado Dangwa, La Trinidad, Benguet kahapon.
Anya, bukod sa drug money ay may tukso rin ang gambling money at dito’y hindi dapat matukso sa kinang ng salapi ang kapulisan.
“Ulit-ulitin ko ito, I have to remind you always, please huwag kayong pumatong sa droga, please huwag kayong pumatong sa anumang iligal na gawain”, pahayag ni Dela Rosa.
Naghahalo na umano ang pera sa droga at illegal gambling dahilan halos iisa naman ang mga operator ng mga ito.
Binalaan ni Dela Rosa ang Cordillera Police na huwag tatanggap ng payola o bigyang proteksyon ang mga gambling lords dahilan mga pulis din ang mahihirapan sa paglala ng problema kapag nagkataon.
Inihayag ni Dela Rosa na kapag natapos ang anti-drug campaign ay illegal gambling naman ang tututukan ng PNP at kung protektor ang mga pulis ay hindi ang mga ito makakahuli dahilan tumatanggap sila ng payola.