Lasing na pulis namaril, 3 sugatan
MANILA, Philippines – Humantong sa kalaboso ang isang lasing na pulis matapos itong maaresto ng mga nagrespondeng operatiba ng pulisya matapos na walang habas na magpaputok ng baril na ikinasugat ng 3 katao kabilang ang isang paslit sa Quezon City nitong Biyernes ng gabi.
Ayon kay P/Supt. Jerico M. Baldeo, hepe ng Novaliches Police Station 4, kasong paglabag sa R.A 1866, (illegal discharge of firearms) at frustrated homicide ang kakaharapin ng suspect na si PO3 Edgar Navallas, nakatalaga sa Regional Public Safety Batallion (RPSB), PRO4A -CALABARZON.
Sa inisyal na ulat ni SPO1 Arnulfo Malungad, desk officer ng QCPD PS4, ganap na alas-10:00 ng gabi kamalawa nang maganap ang insidente ng pamamaril sa Quirino Highway kanto ng Franco St., Brgy. Bagbag, Novaliches, Quezon City.
Lumitaw sa imbestigasyon, galing umano sa inuman si PO3 Navallas at nagwala ito sa nasabing lugar at walang patumanggang nagpaputok ng baril dahilan para masugatan nang tamaan ng ligaw na bala ang mga biktimang sina Ma. Shiela Gildore 27-anyos, Ricardo Abella, 29-anyos at ang 8 taong gulang na si Desiree Mendez.
Nasakote naman ng mga nagrespondeng operatiba ng pulisya ang suspect habang isinugod sa pagamutan ang mga sugatan.
- Latest