MANILA, Philippines – Inilunsad na ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) ang selyo bilang pagpupugay sa makasaysayang inagurasyon at panunumpa ni Pangulong Rodrigo “Rody” Duterte bilang ika-16 na Pangulo ng Republika ng Pilipinas sa Rizal Ceremonial Hall ng Palasyo ng Malakanyang sa Maynila sa ganap na ika-12:00 ng hapon noong Hunyo 30, 2016.
Siya ang ika-apat na Pangulo ng Pilipinas at kauna-unahang Mindanaon na nanumpa sa Palasyo ng Malakanyang.
Bahagi na ng tradisyon ng PHLPost ang paglalabas ng “Inaugural Stamps” ng nanunumpang Pangulo ng Pilipinas. Itinuturing na ang selyo ay tagapagtala ng mga mahahalagang kaganapan sa kasaysayan at kultura ng bansa.
Tampok sa naturang “Inaugural Stamps” ang larawan ni Pangulong Duterte na nanunumpa sa harap ni Supreme Court Associate Justice Bienvenido Reyes kasama ang kanyang bunsong anak kay Honeylet Avanceña na si Veronica, tangan ang kopya ng Bibliya na bigay ng kanyang yumaong inang si Soledad. Kasama din sa larawan ang kanyang mga anak na sina Sara, Paolo at Sebastian.
Naglimbag ang PHLPost ng 150,000 piraso ng sabing selyo at kasalukuyan ng mabibili sa mga sangay ng Post Offices sa bansa sa halagang P17.00.
Kasamang inilabas ng PHLPost ang espesyal na souvenir sheet na limitado lamang sa 10,000 kopya ang pagkakalimbag na nagkakahalaga ng P55.00 bawat isa at may sukat na 10 cm x 4.5 cm.