MANILA, Philippines – Umaabot sa P2 bilyong halaga ng shabu at mga kemikal ang nakumpiska ng pinagsanib na elemento ng pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa serye ng operasyon sa Angeles City, Pampanga, hangganan ng Apayao at Cagayan nitong Biyernes ng hapon at nitong Sabado ng umaga.
Sa ulat na tinanggap kahapon ni PNP Chief P/Director General Ronald “Bato” dela Rosa , dakong alas-4:30 ng hapon nang salakayin ng mga operatiba ang isang bodega sa # 6-7 Jasmin Street, Hensonville Subdivision, Brgy. Malabanias, Angeles City, Pampanga.
Arestado sa operasyon ang Chinese drug trafficker na si Yiye Chen, 42 anyos, miyembro ng isang transnational drug trafficking syndicate.
Ayon naman kay Police Regional Office (PRO) 3 Director P/Chief Supt. Aaroon Aquino ang raid ay matapos na isang concerned citizen ang magbigay ng tip sa mga awtoridad hinggil sa illegal na aktibidades sa lugar kung saan marami umanong pumaparadang behikulo sa nasabing bodega.
Sa bisa ng search warrant na inisyu ni Executive Judge Bernilito Fernandez ay isinagawa ang raid sa naturang bodega na nagresulta sa pagkakaaresto kay Chen.
Nasamsam ng mga awtoridad mula kay Chen ang 30 kilo ng shabu na nakasilid sa malalaking tea bag na nagkakahalaga ng P100 M at mga drug paraphernalias.
Samantala, sa operasyon naman nitong Sabado ng umaga sa hangganan ng Brgy. Ayaga, Ballesteros, Cagayan at Brgy. Malekkeg, Sta. Marcela, Apayao ay nasamsam naman ang aabot sa P1.9 bilyong halaga ng sari-saring uri ng mga kemikal na gamit sa pagmamanupaktura ng shabu.
Base sa report ng Police Regional Office (PRO) 2, nagresponde ang mga elemento ng pulisya base sa tip ng mga sibilyan at narekober ang 14 malalaking water jugs na makakayang maglaman ng anim na galon o kabuuang 84 galon ng chloroform, controlled precursor at iba pang mga likidong kemikal na ayon sa mga chemist ay pangunahing sangkap sa paggawa ng shabu na kapag na-proseso ay makakayang magmanupaktura ng kabuuang P 1,907,484.000.00 ng shabu ang mga nakumpiskang kemikal.