3 berdugo ng 2 pinugutan na Canadian napatay

MANILA, Philippines – Napatay sa military operation ang tatlong bandidong Abu Sayyaf Group na sangkot sa pa­ngingidnap at pamumugot ng ulo sa dalawang bihag nilang Canadian national  sa naganap na engkuwentro kamakalawa sa lalawigan ng Sulu.

Ayon kay Major Felimon Tan, Spokesman ng AFP-Western Min­danao Command bandang alas-2:20 ng hapon nang makasagupa ng operating troops ng Army’s 32nd Infantry Battalion ang nasa 200 Abu Sayyaf sa Sitio Bud Duwa Bayho, Brgy. Pansul, Patikul.

Tumagal ng mahigit  isang oras at kalahati ang bakbakan bago nagsiatras ang mga bandido nang mapatay ang tatlo at tinangay ang mga nasu­gatan nilang kasamahan.

Sa panig ng pamahalaan  ay 16 ang naitalang sugatan na dinala na sa Trauma Hospital sa Zamboanga City.

Wala namang nakitang presensya ng mga hostages sa encounter site na pinaniniwalaang nailipat ng lugar ng mga kidnaper matapos na mamataan ang pagdating ng mga sundalo.

Ang Focused Military Operations (FMO) ay inilunsad upang iligtas ang pito pang nalalabing mga bihag ng mga bandido sa lalawigan ng Sulu.

Kabilang pa sa mga hostages na hawak ng mga kidnappers ay ang Norwegian na si Kjartan Sekkingstad at ang Pinay na si Maritess Flor na kasamang binihag ng dalawang Canadian na pinugutan ng ulo na sina John Ridsdel at Robert Hall noong Abril 25 at Hunyo 13 ng taong ito, ayon sa pagkakasunod.

Show comments