MANILA, Philippines – Kung kayang gawin ng mga bandidong Abu Sayyaf Group na mangidnap at pumatay ay dapat ay gawin din ito ng pamahalaan.
Ito ang nais ni Senator Panfilo “Ping” Lacson kung siya lang ang masusunod.
Sa kanyang Twitter account, sinabi ni Lacson na sa ilalim ng administrasyon ni President-elect Rodrigo Duterte ang tamang panahon para kidnapin rin at patayin ang mga Abu Sayyaf na muling namugot ng kanilang bihag na Canadian citizen matapos hindi maibigay ang hinihinging ransom.
Subalit, inamin ni Lacson na kinakailangan ng mahusay na intelligence para matukoy ang kinaroroonan ng mga Abu Sayyaf.
Iginiit rin ni Lacson na maaaring bigyan ng emergency powers ng Kongreso si Duterte para maresolba hindi lamang ang problema sa trapiko kung hindi maging ang problema sa illegal na droga at Abu Sayyaf.
Hindi rin aniya dapat “masunog” o mabulilyaso ang anumang hakbang laban sa Abu Sayyaf na may natitira pang mga bihag.
Naniniwala rin si Lacson na sa panahon ng panunungkulan ni Duterte niya nakikitang masusugpo ang bandidong grupo.
Samantala, sinuportahan ni incoming Philippine National Police (PNP) Chief P/Chief Supt. Ronald “Bato” dela Rosa ang panukalang pagpapatupad ng martial law sa ilang bahagi ng rehiyon ng Mindanao upang tuldukan na ang lumalalang problema ng pamahalaan sa mga bandidong Abu Sayyaf Group.
Anya, isang mabisang paraan ang martial law para masugpo ang mga marahas na aktibidades ng Abu Sayyaf na may ugnayan sa Jemaah Islamiyah, ang Southeast Asian terror network na naitatag ni Osama bin Laden ng Al Qaeda.
Una nang sinabi ni incoming President Rodrigo Duterte na pinaplano niyang magpatupad ng Martial Law upang matugunan ang terorismo na kinasasangkutan ng Abu Sayyaf.