MANILA, Philippines - Kapwa iprinoklama ng Joint Canvassing Committee sina Davao City Mayor Rodrigo Duterte bilang nanalong Pangulo at Camarines Sur Rep. Leni Robredo bilang Pangalawang Pangulo ng Pilipinas.
Nabatid na pasado alas-3:00 ng hapon nang magsimula ang joint session ng Kamara at Senado.
Sa pagbubukas ng sesyon inaprubahan ang resolution ng Senado at Kamara na nag nagdedeklara sa resulta ng May 9 elections at nagpoproklama sa nanalong Presidente at Bise Presidente sa pamamagitan ng nominal voting.
Magugunita na nakakuha ng botong 16,601,997 si Duterte habang 14,418,817 boto naman ang nakuha ni Robredo sa may 167 Certificate of Canvass (COCs) sa katatapos lamang na eleksyon.
Matapos suspindihin ang sesyon at inanyayahan ang mga nanalong Presidente at Bise Presidente at tanging si Robredo lang ang dumalo habang tinotoo ni Duterte ang pahayag nito na hindi siya dadalo.
Kasama ang tatlong anak na sina Aika, Jillian at Patricia nang pumanik sa rostrum ng Kamara si Robredo at itinaas ang kamay nito nina House Speaker Feliciano Belmonte at Senate President Franklin Drilon.
Matapos nito ay kaagad nag-adjourned ang Kongreso at muling itinakda ang sesyon sa June 6.
Samantala, wala umanong plano si Robredo na tumira sa Coconut Palace sa panahon ng kanyang panunungkulan dahil sa mataas ang renta na halos P500k kada buwan.
Sasakay pa rin umano si Robredo ng bus pauwi sa Naga City dahil mahal ang tiket sa eroplano dahil may kasama na siyang mga security.
Bagamat magkakaiba sa ilang pananaw tiniyak naman ni Robredo na 100% ang kanyang suporta kay President elect Rodrigo Duterte.