MANILA, Philippines - Isang 47-anyos na Dutch national na responsable sa pagbebenta ng “party drugs” na tinatawag na “cookie monster ecstacy” sa mga bar sa Metro Manila at lalawigan ng Pampanga ang inaresto ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang entrapment operation.
Kinilala ni NBI Director Virgilio Mendez, ang suspek na si Martin De Fong na nakuhanan ng may 5,023 pink at blue cookie monster ecstasy na nagkakahalaga ng P15 milyon.
Bago naaresto ang suspek ay ginamit nila ang in-house security ng Rogue’s Bar sa Makati na kinilalang si Richard Bulatao at nakumbinsi ang suspek na magdala ng iligal na droga dahil sa may o-order dito noong gabi ng Mayo 19 na kung saan dito na ito naaresto.
Bukod sa nabili ng poseur buyer ay kusa namang isinuko ng suspek ang iba pa niyang natatagong mga iligal na droga sa kaniyang tinutuluyan sa Bel-Air Sojo, Poblacion, Makati City na kinabibilangan ng ecstacy, cocaine at ilang drug paraphernalias.
Nabatid na si De Fong ay namamasukan sa Pilipinas bilang Information Technology (IT) personnel at halos may 10 taon na itong nasa bansa at katunayan ay may pamilya na rito.
Nadiskubre na rin na malawak ang network ni De Fong sa mga bar sa Metro Manila at sa Pampanga at isang kababayan nito na si Cornelius Meskars na nanunuluyan sa Angeles City sa Pampanga ang source ni De Fong ng droga subalit may 2 buwan na umanong nawawala si Meskars, matapos kidnapin sa Angeles, Pampanga.
Pinag-aaralan ng mga otoridad ang kaugnayan ng mga isinusuplay na droga ni De Fong sa kaso ng pagkamatay ng 5 katao sa isang concert sa parking area ng isang mall sa Pasay City noong nakaraang linggo.
Isinailalim na sa inquest proceedings si De Fong sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Republic Act 9165.
Samantala, inaresto rin ang hindi pa pinangalanang Pinay na common law wife ni De Fong nang ito ay dumalaw kamakalawa at nakuha sa bagahe nito ang ilang sachet ng cocaine at ecstasy na posible umanong ibebenta o gagamitin ni De Fong sa loob ng selda.