Salpukan sa Quezon City at Pasay: 27 katao nasugatan

MANILA, Philippines - Dalawampu’t pitong katao ang naiulat na nasugatan sa magkahiwalay na banggaan sa Quezon City at Pasay City, kahapon

Nabatid na 16 katao ang nasugatan makaraang magsalpukan ang isang pampasaherong bus at isang dumptruck sa kahabaan ng Min­danao Avenue Quezon City kahapon ng alas-5:00 ng umaga.

Batay sa ulat, minamaneho ni Nestor Baro, 44, ang Vill 5000 Bus nang masalpok ang dump truck na minamaneho ni Jimmy Opeñado, 38, ng San Ildefonso Bulacan sa may  Mindanao Avenue, harap ng isang gasolinahan sa Brgy. Tandang Sora.

Sa lakas ng impact ay direktang natumbok ng bus ang katawan ng dump truck ay nawasak ang harapan ng una at nagresulta sa pagkakasugat ng mga biktima.

Labing-isa naman ang nasugatan sa Pasay City nang magbanggaan ang Isuzu Van at isang  SUV Adventure kahapon ng umaga.

Ayon sa ulat, naganap ang insidente sa intersection  ng J.W Diokno Boulevard at Seaside Boulevard ng naturang lungsod ng ang van na minamaneho ni Fernan Basiardo Antoque, 27 ay sumalpok sa papatawid naman na Mitsubishi Adventure, na minamaneho  naman ni John Michael Hapa Placer, 21 at sa lakas nang banggaan ay nasugatan ang mga pasahero.

Show comments