MANILA, Philippines – Pinagbabaril ng riding-in-tandem suspek ang isang konsehal ng Malabon City sa harap ng bahay nito sa naganap na ambush kahapon ng hapon.
Ang biktima na idineklarang dead-on-arrival sa Manila Central University (MCU) Hospital dahil sa mga tama ng bala sa katawan ay kinilalang si Malabon City 2nd District Councilor Merlin “Tiger” Mañalac.
Ang biktima ay anak ng yumaong dating opisyal ng pulis na si Alfonso “Boyong” Mañalac, na tinaguriang hoodlum terminator ng Malabon na konsehal din ng lungsod na ang buhay ay naisalin sa pelikula na ginampanan ng actor na si Eddie Garcia.
Batay sa ulat, dakong alas-4:04 ng hapon ay palabas na ang biktima sa kanyang bahay sa Aktibidad St., Barangay Tenejeros at patungo sana sa isang pagtitipon sa Barangay Acacia nang dumating ang isang motorsiklo lulan ang dalawang lalaki at walang kaabog-abog na pinagbabaril ito.
Si Mañalac ay nasa ikalawang termino pa lamang bilang konsehal matapos siyang humalili sa napaslang ding kapatid.
Iniimbestigahan na ng pulisya kung may kinalaman sa pulitika ang naganap na pamamaslang.