MANILA, Philippines – Inatake ng mga miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang isang construction company na pag-aari ni South Cotabato Governor Daisy Avance Fuentes at dito ay sinunog ang milyong halaga ng heavy equipments kamakalawa ng gabi sa bayan ng T’boli ng lalawigang ito.
Sa ulat ng South Cotabato Police, bandang alas-8:00 ng gabi nang sumalakay sa AJ Construction Company na matatagpuan sa Brgy. Edwards, T’boli, South Cotabato ang mga rebelde.
Walang nagawa ang guwardiya matapos na tutukan ng baril at disarmahan ng nasa 15 armadong rebelde habang ang iba pa ay nagsilbing lookout sa labas.
Agad na binuhusan ng gasolina ng mga rebelde ang isang road roller, isang backhoe, grader at dump truck saka sinilaban hanggang sa magliyab.
Tumagal lamang ng may isang oras ang pangha-harass ng mga rebelde na mabilis na nagsitakas.
Muling nag-iwan ng extortion letter ang mga rebelde para kay Governor Fuentes na nagbanta pang masusundan ang kanilang pananabotahe kung patuloy na magmamatigas ang lokal na opisyal.