MANILA, Philippines - Nakipagpulong si presidential bet Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa partidong Nationalist People’s Coalition (NPC) kamakalawa ng gabi.
Ito ang sinabi ni Davao City Rep. Karlo Alexie Nograles, na ang pagpupulong ay tumagal ng mahigit dalawang oras sa mga opisyal at miyembro ng NPC sa kanilang headquarters sa Quezon City.
Sa nasabing pagpupulong ay inilahad umano ni Duterte ang kanyang mga plataporma de gobyerno sakaling manalo ito sa May 2016 presidential race kabilang na dito ang pagsugpo sa problema sa droga sa buong bansa.
Gayundin, ang pagpuksa sa krimen na gagawin umano ng alkalde sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan simula sa pag-upo nito sa Office of the President.
Tinalakay din sa pagpupulong ang suliranin ng buong mundo tungkol sa terorismo, pang aagaw ng China sa Spratly Islands, maging ang mga solusyon sa agricultural sector, irrigation, manufacturing, energy sector at marami pang iba.
Dahil sa free for all discussion ay maraming tanong ang ibinato kay Duterte at direkta din nitong sinagot ang mga katanungan.
Ayon pa kay Nograles kung ang desisyon ng NPC na suportahan o hindi si Duterte ay masaya umano siya na nakilala ng mas malalim ng partido ang mayor.