MANILA, Philippines – Dead-on-the-spot ang isang ginang habang nasa kritikal na kondisyon ang mister nito matapos na pagbabarilin ng kaaway ng huli habang kaharap ang kanilang anak kamakalawa sa loob ng kanilang bahay sa Brgy.Pangdel, Bayambang, Pangasinan.
Ang nasawi dahil sa mga tama ng bala sa katawan ay kinilalang si Rosarion Joy Tantoco, 32.
Nilalapatan naman ng lunas sa Region 1 Medical Center ang mister nitong si Salvador, 39. Tumakas naman ang suspek na kinilalang si Michael Aquino na pinaghahanap na ng pulisya.
Batay sa ulat, bago naganap ang krimen dakong alas-10:20 ng gabi sa bahay ng mag-asawa sa Brgy. Pangdel, Bayambang ay kasalukuyang namamahinga na ang mga ito nang bulabugin sila ng suspek kaya’t lumabas ang mag-asawa at kinompronta ang suspek at nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawang lalaki.
Sa gitna ng mainitang pagtatalo ay bigla na lamang pinagbabaril ng suspek ang mag-asawa at sugatang nakatakbo ang mister habang naiwan ang misis at tinapos ng suspek.
Nasaksihan ng 9-anyos na anak na babae ng ginang na si John Maicah Franchesca Austria ang pangyayari.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng suspek sa pamamaril sa mag-asawa.