MANILA, Philippines – Nasamsam ng mga otoridad ang nasa P10-milyong halaga ng pekeng cosmetic products sa isinagawang pagsalakay sa isang bodega sa Tondo, Maynila, kahapon ng umaga.
Nabatid sa tanggapan ni MPD-District Police Intelligence Operation Unit (DPIOU) chief, S/Insp. Rosalino Ibay Jr., na sila ay nakatanggap ng impormasyon hinggil sa bodega na pinaglagakan ng mga produktong walang kaukulang lisensiya at hindi rin rehistrado sa Bureau of Food and Drugs (BFAD) kaya nag-aplay sila ng search warrant na inaprubahan ni Honorable Judge Zaldy Docena ng Malabon Regional Trial Court Branch 170.
Sinalakay ang bodega na matatagpuan sa no. 1613 Philippine National Railways (PNR) Compound, sa A. Rivera St. Tondo at bigong maaresto ang may-ari ng bodega na si Wilson Co ng Unit 9 at 10, bagamat nasamsam lahat ng mga produkto na nagbuhat umano sa bansang China.