MANILA, Philippines – Namatay noon din ang isang lalaki na umano ay drug pusher at hawak nitong sanggol na anak matapos na pagbabarilin ng dalawang hindi nakilalang mga suspek, kamakalawa ng gabi sa Malabon City.
Ang mag-amang nasawi ay kinilalang sina Ernesto Serrano, 25, pedicab driver, at 1-buwang gulang na anak nitong si Princess Ayesa, kapwa residente ng No. 41 Dr. Lascano Street, Brgy. Tugatog, ng naturang lungsod.
Habang isinugod naman sa Tondo Medical Center dahil sa tama ng ligaw na bala sa kanang kamay si Alfredo Reyes, 42-anyos.
Tumakas ang dalawang suspek na lulan ng isang pedicab at isang single na motorsiklo.
Batay sa ulat, dakong alas-6:00 ng gabi ay naglalakad si Serrano sa kahabaan ng P. Concepcion Street, Brgy. Tugatog nang mapansin ang dalawang suspek sanhi para magtatakbo ito habang karga ang anak na sanggol.
Hinabol ang mag-ama at nakorner sa harapan ng Tugatog High School sa may Dr. Lascano Street at pinagbabaril ang mga ito at tinamaan ng ligaw na bala si Reyes.
Lumalabas sa imbestigasyon na may kaugnayan ang pamamaril kay Serrano sa pamamaslang sa isang Norberto Sabarillo nitong nakaraang Enero 12 sa Dr. Lascano Street at sinasabi na ang una umano ang gunman sa naturang pamamaslang kaya malaki ang hinala na gantihan ang pagpaslang sa una at nadamay ang walang muwang nitong anak.
Nakuha naman ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang pitong maliliit na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu sa katawan ng biktima at isang cartridge at isang bala ng kalibre .45 baril.