MANILA, Philippines – Nasa 75 katao na hinihinalang sangkot sa mga iligal na droga ang inaresto ng mga otoridad sa isinagawang drug operation sa Barangay Batasan Hills, Quezon City kahapon ng umaga.
Sinabi ni P/Supt. Robert Sales, commander ng QCPD Station 6, ang operasyon ay isinagawa base sa ipinatupad na “Oplan Bulabog/Galugad” at kabilang sa mga naaresto ay 12 babae at 63 lalaki na ang pinakabata ay 16-anyos na pawang mga gumagamit ng iligal na droga.
Nabatid na alas-8:30 ng umaga nang simulan ng tropa ni Sales ang operasyon sa tulong ng mga opisyales ng barangay at nasamsam ang ilang piraso ng plastic sachet ng shabu, drug paraphernalia at mga sumpak.
Ang operasyon ay isinagawa matapos ang reklamong nakarating sa PS-6 kaugnay sa talamak na paggamit ng droga at mga lumalalang krimen.