MANILA, Philippines – Huling pagkakataon nang nakasama ng 45-anyos na security guard ang kanyang angkan matapos itong saksakin at mapatay ng hindi pa kilalang lalaki na pinaniniwalaang adik kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Napuruhan sa kaliwang bahagi ng dibdib ang biktimang si Ramon Diaz III, binata, at nakatira sa San Miguel Homes, Santolan Road, Barangay Gen. T. De Leon sa Valenzuela City.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, naka-backride sa traysikel ni Raymond Adriano ang biktima upang ihatid sa sakayan ng taxi ang mag-asawang bisita sa kanilang family reunion nang saksakin ng hindi kilalang lalaki pagsapit sa Tullahan Road malapit sa Manotoc Compound sa Brgy. Sta. Quiteria.
Isinugod sa Valenzuela City Medical Center ang biktima subalit hindi na umabot ng buhay habang patuloy naman ang imbestigasyon.