Nanita sa pasaway, pinatay
MANILA, Philippines – Pinagbabaril ng isang tricycle driver ang dalawang babae na sumita sa kanya nang magtapon ng bote sa kalye sa kasagsagan sa pagsalubong ng Bagong Taon kahapon ng madaling araw sa Urdaneta City, Pangasinan.
Namatay habang ginagamot sa ospital si Lyka Guiro, 17. Habang nasugatan at nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang pinsan nitong si Rosemarie Clune, 27.
Pinaghahanap ng pulisya ang tumakas na suspek na si Noel Estantino, residente sa lugar.
Batay sa ulat, bandang alas-2:45 ng madaling araw sa Brgy. Bayaoas, Urdaneta City ay sinita ng magpinsan ang nakainom na si Estantino na nagbabasag ng bote na inihahagis nito sa kalye mula sa bintana ng kanilang bahay.
Nairita umano si Estantino nang pagsabihan ng magpinsan na nakakaperwisyo ang ginagawa nitong paghahagis ng bote na nababasag sa kalye.
Biglang kinuha ng suspek ang armalite rifle at pinagbabaril ang magpinsan.
Agad tumakas ang suspek matapos mabaril ang magpinsan at ngayo’y target ng masusing manhunt operation ng mga otoridad.
- Latest