MANILA, Philippines – Umaabot sa 10 miyembro ng ekstremistang Abu Sayyaf Group at isang Army officer ang napaslang habang 21 naman ang nasugatan kabilang ang anim na sundalo sa panibagong engkuwentro sa Barangay Buhanginan, bayan ng Patikul, Sulu noong Miyerkules ng hapon.
Kinilala ang napatay na opisyal na si 2nd Lt. Ronald Detalla habang ang mga sugatang isinugod sa pagamutan ay sina Captain Edmar Samonte, Pfc Ernie De Guzman, Staff Sgt. Wilson Fontanil, Pfc Joemar Andrez, Pfc Dennis Desambrana, Pfc Alberto Dinio at si Sgt. Arturo Andama.
Ayon kay Major Filemon Tan, spokesman ng AFP-Western Mindanao Command, dakong alas- 4:15 ng hapon nang magsimula ang bakbakan sa pagitan ng 1st Scout Ranger Battalion at grupo ng Abu Sayyaf.
Nabatid na ginagalugad ng tropa ng militar ang kagubatan sa Barangay Buhanginan nang makasagupa ang mga armadong Sayyaf sa ilalim ng pamumuno ni Abu Kumander Hajan Sawadjaan.
Ang operasyon ay naglalayong sagipin ang nalalabi pang hostages kabilang ang ilang dayuhan.
Pasado alas-8 na ng gabi ay patuloy pa rin ang palitan ng putok ng magkalabang panig hanggang sa magsiatras ang mga kalaban.
Ang mga nasugatang sundalo ay unang dinala sa Kuta Teodulfo Bautista Hospital sa Jolo, Sulu bago ini-airlift na kahapon ng umaga patungo sa Camp Navarro Hospital sa Zamboanga City.
Samantala, sampu naman terorista ang napatay at 15 naman malubhang nasugatan, ayon pa sa opisyal base sa impormasyon ng intelligence assets.
Nagpapatuloy ang clearing operation ng militar sa encounter site kung saan tugis din ang grupo ng Sayyaf.