MANILA, Philippines - Natukoy at kinasuhan ng pulisya ang dalawang suspek na pananambang sa news team ng ABS-CBN Channel 2 noong nakaraang linggo sa Marawi City.
Ito ang inihayag kahapon ni PNP Spokesman P/Chief Supt. Wilben Mayor matapos na positibong ituro ng mga testigo ang mga suspek na sina Yusop Sangcad at Nasser Masurong na kapwa nakatira sa Brgy. Lilod Madaya sa nasabing lungsod.
Base sa tala ng pulisya, tinambangan ng mga suspek na lulan ng motorsiklo ang sasakyan ng ABS-CBN news team na sina Ronnie Enderes, reporter; Emilito Balansag, cameraman; at ang driver na si Garry Montecillo noong Sabado ng hapon.
Nabatid na si Enderes ay outgoing chairman ng lokal na National Union of Journalists of the Philippines Chapter.
Lumilitaw na patungong Marawi City mula sa Iligan City ang tatlo para mag-follow-up ng balita kaugnay sa pambobomba sa steel power relay pylon ng National Grid Corporation sa bayan ng Ramain, Lanao del Sur nang pagbabarilin ng mga suspek.
Gayon pa man, nakaligtas ang ABS-CBN news team pero na-trauma ang mga ito at nagtamo rin ng tama ng bala ng cal. 45 pistol ang kanilang sasakyan.
Kaugnay nito, muli namang umapela sa publiko ang mga opisyal ng PNP na i-report sakaling magawi sa kanilang teritoryo ang mga suspek.
Kabilang sa maaring i-report ay ang pinakamalapit na himpilan ng pulisya o sa pamamagitan ng social media (Twitter – @PNPhotline/@pnppio or Facebook Page – Philippine National Police) at maari rin sa Dial 117 o text 2920; gayundin sa i-Report Mo Kay TSIP 09178475757.