MANILA, Philippines – Nakuha ni Manila Vice Mayor Isko Moreno Domagoso na tumatakbong senador ang ika-11 puwesto sa pinakahuling survey ng Social Weather Station (SWS).
Ayon kay Domagoso, ito ay isang indikasyon na malaki ang kanyang naiangat sa isinagawang survey noong Disyembre 12-14 kumpara sa huling survey ng SWS noong Setyembre kung saan nasa 28-31 puwesto siya.
Lumilitaw na umakyat na sa 30 porsiyento ang dating apat na porsiyento nito sa mga survey sa kabila limitadong tv at radio ads.
Bagama’t lubos ang kanyang pasasalamat dahil sa tiwala na ibinibigay ng publiko, sinabi ni Moreno na mahaba pa ang kanyang lalakbayin kaya’t mas kailangan ang ibayong pagsisikap upang makapantay sa mga kilalang pulitiko.
Ipinaliwanag pa ni Domagoso na National President ng Vice Mayors League of the Philippines (VMLP) na may kinakaharap pa siyang hamon sa ngayon dahil karamihan sa mga survey firms ay Domagoso ang ginagamit sa halip na Moreno sa survey questions na nagiging dahilan ng kanyang pagkakapuwesto sa 16-20 sa Pulse Asia survey.