MANILA, Philippines – Arestado ang mag-ama makaraang makumpiskahan ng P1.8 milyong halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana sa inilatag na operasyon ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa North Luzon Expressway sa Balintawak, Quezon City, kahapon ng umaga.
Nakatakdang kasuhan ni P/Chief Insp. Niño Briones ng Criminal Investigation and Detection Group National Capital Region (CIDG-NCR) ang suspek na si Moises Simsim, 37, habang ang kanyang 16-anyos na anak na lalaki ay nasa custody ng DSWD.
Nasamsam sa mag-ama ang 130 kilos ng pinatuyong dahon ng marijuana na sakay ng Toyota Hi-Ace van na may plakang ULK-915 nang masabat ng CIDG, Highway Patrol Group at ng Meycauayan City PNP.
Ayon sa ulat, walang kamalay-malay ang mag-ama na sinusundan na sila ng mga operatiba mula Benguet hanggang Balintawak matapos na makatanggap ng impormasyon na isang van ang naglalaman ng kilu-kilong marijuana na patungong Metro Manila.
Nabatid na inangkat ng mag-ama ang marijuana na isinakay sa bayan ng La Trinidad, Benguet kung saan ibiniyahe noong Sabado ng gabi at dumating sa Balintawak bandang alas-8:30 ng umaga kahapon.
Inamin naman ng binatilyo na tatlong beses na siyang nasangkot sa drug trafficking., ayon kay P/Chief Insp. Elizabeth Jasmin.
“They were initially accompanied by a female companion, who got off somewhere in Tarlac and promised to pay them at the airport,” dagdag pa ni Jasmin.
Dadalhin sana sa Dangwa Flower Market sa Manila ang kilu-kilong marijunana bago dalhin sa Domestic airport.