MANILA, Philippines – Matapos na ideklarang ‘dissolved’ ng Korte Suprema sa inilabas na temporary restraining order na kanilang inisyu noong Disyembre 1 batay sa petisyon ng Kabataan partylist ay tuloy ang ‘No Bio, No Boto’ policy ng Commission on Elections (Comelec).
Ayon sa SC, ibinasura nila ang petition ng Kabataan partylist dahil na rin sa lack of merit at mas pinaboran ang argumento ng Comelec na nagsasabing ang layunin ng ‘No Bio, No Boto’ ay ang pagkilala sa “qualification” at “registration” sa halalan upang makaboto.
Paliwanag ng SC, maganda ang naging layunin ng Comelec na linisin ang national voter registry kung saan nangyayari ang dayaan ay posibleng magdulot ng masamang epekto sa bansa.
Ayon naman sa Kabataan partylist, umaabot pa rin sa 3,599,906 ang bilang ng mga hindi nakapagparehistro sa kabila ng implemetasyon ng “No Bio, No Boto” hanggang September 30, 2015.
Ikinatuwa naman ni Comelec Chairman Andres Bautista ang desisyon ng SC sa pagsasabing tuluy-tuloy na ang pagsasapinal ng listahan ng mga botante at project ng mga precincts.
Una nang nagpahayag ng pangamba ang Comelec na posibleng ma-postpone ang May 9, 2016 election kung hindi aalisin ng SC ang TRO sa “No Bio, No Boto” policy.