MANILA, Philippines - Malubhang nasugatan ang isang Regional Director ng Department of Interior and Local Government (DILG) Region IV-A (Southern Tagalog Region) nang ito ay tambangan ng hindi pa nakilalang armadong salarin sa Brgy. Parian, Calamba City, Laguna kahapon ng umaga.
Ang biktima ay kinilalang si DILG Region IV-A Director Renato Brion, residente ng Unit 705 Tower 3, Avida Tower, New Manila, Quezon City.
Batay sa ulat, bago nangyari ang pamamaril sa biktima dakong alas-7:30 ng umaga sa bisinidad ng Brgy. Parian ay kararating lamang sa lugar ni Brion lulan ng Toyota Innova (SLC-963) na minamaneho ng driver nitong si Medel Saturno kasama ang kaniyang misis para pumasok sa kaniyang opisina sa gusali ng Andison Building 1 nang biglang sumulpot ang gunman at agad na pinagbabaril.
Kaugnay nito, ipinag-utos na ni Interior and Local Government Secretary Mel Senen Sarmiento sa PNP ang pagsasagawa ng masusing imbestigasyon sa kaso upang matukoy kung sino ang nasa likod ng pamamaril kay Brion.