MANILA, Philippines - Dalawang dayuhan na pinaniniwalaang utak sa sindikato ng Automated Teller Machine (ATM) fraud ang naaresto ng mga operatiba ng pulisya sa isinagawang entrapment operation sa loob ng banko sa Quezon City, kahapon ng umaga.
Sa ulat ni P/Supt. Pedro Sanchez, kinilala ang mga suspek na sina Alexander Gabriel Varga, 24, Romanian; at Mila Kamil, 25, dalaga, Indonesian at kapwa pansamantalang naninirahan sa isang hotel sa Makati City.?
Ang dalawa ay nadakip sa may loob ng ATM booth ng Bank of Commerce sa panulukan ng Scout Lazcano at Tomas Morato sa Brgy. Sacred Heart bandang alas-6:23 ng umaga. ?
Nabatid na nakaalerto na ang pulisya kaugnay sa iligal na aktibidad ng mga suspek matapos makipag-ugnayan sa mga banko noong Dec. 6 mula sa security guard na namataan sa CCTV camera ang pagkakabit ng device sa kanilang booth.
Gayon pa man, nang muling makatanggap ng impormasyon ang pulisya ay agad na rumesponde at naaktuhan ang mga suspek habang nagkakabit ng skimming device sa nasabing booth.
Nasamsam sa dalawa ang skimming device, mga memory chips, at clone cards na pangunahing inilalagay para makakuha ng impormasyon sa mga biktima.
Nakapiit ngayon ang mga suspek habang inihahanda ang kasong paglabag sa R.A.8484 -Access Devices Regulation Act of 1998 at R.A 8792-Electronic Commerce Act.