Shootout: 2 bulagta sa arms cache

Sa ulat ni P/Chief Supt. Miguel Antonio Jr. na isinumite sa Camp Crame, kinilala ang mga napatay na sina Edris Mohamad at Basilisa Llanos na kapwa target sa search warrant na inisyu ng korte. Philstar.com/File

MANILA, Philippines – Dalawang miyembro na sinasabing sangkot sa gun running ang napatay sa shootout matapos sala­kayin ng pulisya ang hideout ng grupo sa Barangay Poblacion, bayan ng Talusan, Zamboanga Sibugay kamakalawa.

Sa ulat ni P/Chief Supt. Miguel Antonio Jr. na isinumite sa Camp Crame, kinilala ang mga napatay na sina Edris Mohamad at Basilisa Llanos na kapwa target sa search warrant na inisyu ng korte.

Anim na sibilyan ang nasugatan kabilang ang dalawang menor-de-edad na naipit sa bakbakan  habang sugatan din si PO1 Noriel Laureta kung saan ang mga biktima ay isinugod sa Zamboanga Sibugay Provincial Hospital.

Nasakote naman ang isa pang suspek na si Noel Llanos na nakorner ng mga operatiba sa engkuwentro.

Bandang alas-3:50 ng madaling araw nang sala­kayin ng mga o­peratiba ng Provincial Public Safety Company sa pamumuno ni P/Supt. William Gadayan ang hideout ng mga suspek sa nasabing barangay.

Nasamsam naman sa raid ang anim na matataas na kalibre ng armas kabilang ang AK-47 rifle, M4 assault rifle at isang cal. 45 pistol.

“The raid was part of  One Time Big Time o­perations launched against criminal gangs and wanted persons under the Lambat-Sibat anti-crime strategy,” pahayag pa ng opisyal.

Show comments