MANILA, Philippines – Kung hindi aalisin ng Korte Suprema ang temporary restraining order na inilabas nito laban sa implementasyon ng ‘No Bio, No Boto” ay malaki ang posibilidad na ma postponed ang 2016 elections.
Ito ang inihayag ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista kung saan ito aniya ang kanyang magiging tugon sa TRO na inilabas ng SC bago ang deadline na ibinigay sa poll body hanggang December 11.
Anya, malaki ang epekto ng TRO sa kanilang paghahanda para sa nalalapit na national at local elections.
“Iniisip ko ngang magsulat kaagad sa ating Korte Suprema at hingin nga ipakita na baka magkaproblema ang halalan kung hindi nila i-lift ang temporary restraining order,” ani Bautista.
Sa katunayan umano ay nais na nilang tapusin sa Disyembre 15 ang listahan ng mga botante.
Umaasa sila na maiisip ng SC ang mga bagay na kanilang pinag-ukulan ng pansin at oras upang matapos sa takdang panahon.
Subalit wala naman silang magagawa kung hindi ipatutupad at wala umano silang magagawa kundi ipostponed ito.
Nagtataka lamang si Bautista kung bakit ngayon lamang kinuwestiyon ang “No Bio, No Boto” kung kailan malapit na ang halalan.