MANILA, Philippines – Igalang ang batas at gumawa na lamang ng mga hakbang na legal.
Ito ang payo ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda matapos na i-disqualify ng Commission on Elections (Comelec) si Senator Grace Poe dahil sa kakulangan sa residency requirements bilang presidential candidate.
Anya, puwede pa namang umapela ang kampo ni Poe kaugnay sa naging desisyon ng Comelec at naniniwala din ito na ang nasabing pasya ay naabot ng Comelec matapos na dumaan sa prosesong itinatadhana ng batas.
Base sa naging desisyon ng 2nd division ng Comelec, pinaboran nito ang petisyon ni Atty. Estrella Elamparo na hindi naabot ni Poe ang 10 year residency requirement na hinihingi ng Saligang Batas para sa isang presidential candidate na tatakbo sa 2016 elections.
Inamin din ni Poe sa panayam ng Bombo Radyo kamakalawa na ‘maliit na bagay’ lamang naman umano ang kakulangang 6 months sa residency requirements nito.
Kahit dismayado si Poe ay itutuloy pa rin niya ang laban at sa pinakahuli ay dudulog sa Supreme Court kung kinakailangan.
Ayon pa kay Poe hindi lamang ang kanyang sarili ang kanyang ipinaglalaban kundi ang mga mamamayan na naghihintay ng pagbabago at umangat sa buhay.
Bagaman at hindi tinukoy ang administrasyon ay nakatitiyak si Poe na nais talaga siyang tanggalin sa presidential race upang matiyak ang panalo ng kanyang kalaban.