Kulong ng 6-12 taon... Pemberton guilty sa homicide
MANILA, Philippines – Guilty verdict ang inihatol kahapon ng korte laban kay US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton sa kasong homicide sa pagpatay sa Pinay transgender na si Jennifer Laude.
Ibinaba ni Judge Roline Ginez-Jabalde ng Olongapo City Regional Trial Court’s Branch 74 ang guilty verdict at sinentensiyahan si Pemberton nang pagkakulong ng 6 taon hanggang sa 12 taon.
Inatasan din ng korte si Pemberton na bayaran ang mga naulila ni Laude ng P4.32 milyon dahil sa pagkawala ng kita, P155,250 bilang reimbursement para nagastos sa burol at libing at P50,000 para sa moral damages.
Si Pemberton ay kinasuhan ng murder, subalit ibinaba ito ng korte sa kasong homicide dahil sa hindi nakitaan ng iba’t ibang mga pangyayari.
Bago ibinaba ang hatol ay inisa-isa ng clerk of court ang mga nakalap na datos na tumagal ng halos dalawang oras.
Dapat sana ay noong Nobyembre 24 ang promulgation ngunit dahil sa ilang proseso, itinakda ito ngayong Disyembre 1, 2015 dahil hindi maaaring lumagpas ng isang taon sa korte ang kaso base na rin sa kasunduan ng Estados Unidos at Pilipinas.
Batay sa record, natagpuang patay si Laude na nakalublob ang ulo sa loob ng toilet bowl sa banyo ng Celzone Lodge sa Olongapo City noong October 11, 2014 na kung saan ay huling nakita ang biktima na kasama si Pemberton na pumasok sa nasabing kuwarto matapos ang inuman sa kalapit na bar.
Inamin ni Pemberton sa mga hearing na sinakal at niloblub niya si Laude sa toilet bowl matapos ang pagtatalik, subalit buhay pa ito nang iwan niya at nadismaya ito nang malamang hindi babae ang kanyang nakatalik.
- Latest