CLARK AIR BASE, PAMPANGA, Philippines – Matapos ang 10 taon na paghihinaty ay dumating na sa bansa ang dalawa sa 12 fighter jets na binili ng pamahalaan para palakasin ang kapabilidad ng Philippine Air Force (PAF) sa pagbabantay sa himpapawid ng bansa.
Sa isang simpleng seremonya sa Haribon Hangar ng Clark Air Base, pormal na sinalubong nina Defense Secretary Voltaire Gazmin, AFP Chief of Staff Gen. Hernando Iriberri, Lt. Gen. Jeffrey Delgado, iba pang mga opisyal ng militar at ng mga kinatawan ng Korean Aerospace Inc (KAI) ang dalawang jet fighters .
“We’re glad, we’re finally back to supersonic age” masayang pahayag ni Gazmin.
Ayon kay PAF Spokesman Col. Enrico Canaya, malaki ang maitutulong ng squadron ng 12FA 50 Golden Eagle fighter jet na binili ng Defense department sa KAI sa ilalim ng modernization program sa halagang P18.9 bilyon.
Ang nasabing fighters jets ay ide-deliver sa bansa ng ilang batch kung saan may darating pang muli sa 2016 at hanggang 2017.
Noong 2005 ay ipinatigil at pinagretiro na ng PAF ang fighter jet nitong Northrop F5’s dahilan sa sobrang kalumaan nito.
Ayon kay Canaya, ang nasabing 2 seater fighter jets ay pinalipad ng mga pilotong Koreano mula sa South Korea kung saan nag-stop over lamang ito sa Taiwan para mag-refuel at magpahinga ang mga piloto bago tumuloy sa Clark Air Base.
Isasailalim muna sa masusing inspeksyong teknikal ang mga fighter jets bago ito iturnover sa PAF.