5 most wanted, arestado

MANILA, Philippines – Sa loob lamang ng 24-oras, nasakote ng mga ope­ratiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group ang limang itinuturing na most wanted na kriminal sa serye ng operas­yon sa iba’t - ibang rehiyon sa bansa kamakalawa.

Ayon kay PNP-CIDG Director P/Chief Supt. Victor Deona, kabilang sa mga naarestong suspek ang wanted na si Luisito Gonzales ng Brgy. Nagbunga sa bayan ng Castillejos, Zambales kung saan ito nahaharap sa kasong murder at slight physical injuries.

Arestado rin ang isa pang wanted na si Arnold Ronquillo sa Barangay Aplaya 2-A, Imus City, Cavite na may  warrant of arrest  na inisyu ni Judge Josefina Siscar ng Regional Trial Court Branch 20 ng Imus City, Cavite  sa kasong murder.

Nasakote  naman sa Barangay Aroroy, ba­yan ng Juban, Sorsogon ang mga suspek na sina Amadeo Divina at Rommel Avancenia sa Brgy. Bagasbas sa bayan ng Daet, Camarines Norte. 

Bandang alas-11:45 ng gabi nang nasakote ng mga operatiba ng CIDG si Divina na may kasong frustrated murder habang si Avencenia na may kasong rape ay naaresto dakong alas-12:45 ng hapon.

Samantala, arestado rin ng PNP-CIDG operatives  ang suspek na si Guilbert Lianto Rabina sa Barangay Bunawan, Davao City sa kasong 3-counts ng rape.

Nakatakda namang i-turnover sa iba’t-ibang korte ang mga suspek habang patuloy naman ang Oplan Lambat Sibat ng PNP.

Show comments