Gobyerno hindi naiayos ang trapik sa APEC
MANILA, Philippines - Bagama’t nakinabang ang Pilipinas bilang host sa 2015 Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) summit ay nadismaya naman si Vice President Jejomar C. Binay sa pamahalaan dahil hindi napaghandaan ang sitwasyon ng trapiko sa Metro Manila sa kasagsagan ng APEC.
“Nakatutuwa at nagkaroon tayo ng APEC meeting dito. Ang nakakalungkot nga lamang ay mukhang hindi masyadong tama ang pagkakahanda dahil sa nariyan iyong may nanganak sa kalye dahil sa traffic. Abot-abot ang naging problema dahil sa traffic,” pahayag ni Binay.
Subalit, ayon sa Bise Presidente na ang kahalagahan bilang host ng APEC meet ay nakatulong sa pagtaas ng 80 percent ng kalakalan sa bansa.
“Ang APEC ay kasama sa pagiging miyembro natin ng international community. So natutuwa naman ako na dito naganap ang APEC meeting,” wika ni Binay.
Si Binay ay siyang naatasan na mag-welcome sa mga heads of state na dumalo sa APEC meet. Dumalo rin ito sa APEC Economic Leaders’ welcome dinner na kung saan ay ipinakita ang world-class talent ng mga Pinoy.
Ayon pa kay Binay, na ang pamahalaang Pilipinas ay nakipagkasundo sa iba’t ibang bansa sa mga bilateral agreements at nagkumpirma ng mga suporta nito sa bansa lalo na sa paglago ng ekonomiya.
“At the end of the meeting maibibigay naman sa inyo kung ano ang napala natin, ano ang napag-usapan, ano ang napag-pirmahan. May napala naman,” dagdag ni Binay.
Sa APEC summit, ay inihayag ni United States President Barack Obama ang pagbibigay ng dalawang barko para sa Philippine Navy upang lalong lumakas ang kakayahan ng Navy na magsagawa nang malayong pagpapatrulya sa karagatan.
Maging ang ibang mga bansa tulad ng Japan, South Korean,Canada, New Zealand, Chile, Russia, Australia, Papua New Guinea at Mexico ay nangako nang mga pagtulong sa Pilipinas.
- Latest