MANILA, Philippines – Isang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) kidnap for ransom (KFR) gang ang napatay matapos makipagbarilan nang masabat ng pinagsanib na elemento ng militar at pulisya sa Bgy. Sipangkot, Sitangkai, Tawi-Tawi kahapon ng umaga.
Kinilala ni AFP Spokesman Col. Restituto Padilla ang nasawing suspek sa alyas lamang nitong Said na tauhan ni Abu Sayyaf Sub-Commander Alhabsy Misaya sangkot sa KFR sa Western Mindanao at maging sa kanugnog na Sabah at Sindakah, Malaysia.
Batay sa ulat, bandang alas-10:00 ng umaga nang makasagupa ng Joint Task Group (JTG) Tawi –Tawi at JTG ZAMBASULTA (Zamboanga, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi ) sa pamumuno ni Captain Harry John Delgado, Tawi-Tawi Police at Special Action Force ng PNP ang grupo ni Said.
Nagkaroon ng palitan ng putok na ikinasawi ni Said na inabandona ng mga nagsitakas nitong mga kasamahan.
Sa tala si Said ay sangkot sa Sipadan, Sabah, Malaysia kidnapping noong Abril 23, 2000 kung saan 21 ang binihag ng mga bandido na karamihan ay mga European na itinagoo ng mga ito sa Sulu.