Mister tinodas ang nanakit sa misis

MANILA, Philippines – Sinaksak ng isang drug addict habang natutulog ang isang 31-anyos na parking attendant na umano ay nanakit sa kanyang kinakasama kamakalawa ng gabi sa Plaza Sto. Tomas, Intramuros, Maynila.

Ang biktima na namatay noon din ay kinilalang si Reonaldo Delos Santos, ng Block 7, Baseco Compound, Port Area, Maynila.

Agad inaresto ng security guard ng Intramuros ang suspek na si Marcelo Cabsan alyas “Buboy”, miyembro ng Batang City Jail at walang tiyak na tirahan.

Sa ulat, nangyari ang krimen, dakong alas 11:10 ng gabi sa loob ng karinderya kung saan natutulog ang biktima nang atakehin ng suspek.

Ayon sa suspek sobra na umano ang pananakit ng biktima sa kaniyang kinakasama na katulong sa nasabing karinderya na ang pinakahuli ay bukulan ito ng biktima.

Kaya’t nagpasya itong gumanti at nang makita na natutulog ang biktima ay  kumuha ito ng kut­silyo at pinagsasaksak ng maraming beses.

Show comments