4 bata utas sa sunog
MANILA, Philippines – Apat na bata ang magkakasunod na sinalubong ni kamatayan makaraang makulong sa nasunog na dalawang bahay sa bayan ng Nueva Valencia, Guimaras kahapon ng madaling araw.
Sa inisyal na impormasyon ng Police Regional Office 6 Tactical Operation Center na isinumite sa Camp Crame, ang mga biktima ay nadamay sa nasunog na dalawang bahay na sinasabing pag-aari nina Emma Genanda, at Remedios Cabagting sa Barangay Poblacion sa nasabing bayan.
Ayon kay PO2 Geovani Casanova, desk officer ng RTOC, base sa natanggap nilang impormasyon, naganap ang insidente bandang alas-12:20 ng madaling araw.
Hindi naman kaagad nakaresponde ang mga pamatay-sunog dahil sa bulubundukin ito at mahirap kaagad makakuha ng impormasyon kaugnay sa pagkakakilanlan ng mga biktima.
Patuloy naman ang mga awtoridad sa imbestigasyon kaugnay sa pinagmulan ng apoy.
- Latest