MANILA, Philippines – Isasailalim sa drug test ang pulis na nanakal, nanakit, nagkulong at nagposas sa isang radio reporter sa Marikina City kamakailan.
Ito ang iniutos ni Eastern Police District (EPD) Director, Chief Supt. Elmer Jamias upang mabatid kung nasa matinong pag-iisip o kaya’t gumagamit ng droga si SPO2 Manuel Laison ng Marikina Police station.
Sinabi ni Jamias, napanood na niya ang kuha ng CCTV ng ginawang pananakit ni Laison sa reporter ng DZRH na si Edmar Estabillo at kumbinsido ito na mali ang ginawa ni Laison noong sakalin niya, igupo, posasan at ikulong sa loob ng selda si Estabillo na nagtanong lamang sa kanya kung maaaring makita ang police blotter ng pulisya.
Agad niyang ini-relieve si Laison matapos niyang mapanood ang kuha ng CCTV na hindi naman dapat ginagawa ng isang pulis na public service at tagapamaya ang trabaho.
Desidido naman si Estabillo na isulong ang kasong physical injury at ilegal arrest laban kay SPO2 Laison upang hindi na ito pamarisan pa ng iba pang pulis na may kahalintulad na gawain.
Nabatid na si Laison ay may una na rin pinosasan at ikinulong dahil hindi rin nito nagustuhan ang pagtatanong sa kanya.