Pagtulong sa mga biktima ng kalamidad prayoridad ng Poe-Chiz tandem
MANILA, Philippines - Ang kahandaan at pagtugon sa pananalanta ng kalamidad at agarang pagbibigay ng tulong sa mga biktima ang prayoridad ng tambalang Senador Grace Poe at Senador Chiz Escudero.
Ito ang pahayag ng nangungunang vice presidential candidate na si Escudero kaya’t magtatatag sila ng isang ahensyang nakatuon lamang sa mga ito at isang kalihim ng gabinete ang mangangasiwa na uunahin sa ilalim ng isang Poe administration.
Pabor din sa nasabing panukala ni Escudero si presidentiable Poe sa resolusyong inihain nito sa Senado noong 2013 hinggil sa paglikha ng isang departamentong nakatuon sa “disaster risk reduction and management,” kaiba at hiwalay sa Department of National Defense (DND).
“Natuto na sana tayo sa Yolanda. Nananatili ang mga usapin hinggil sa usad ng mga gawaing pangrehabilitasyon at ang pagbibigay sa mga biktima ng pakinabang mula sa pondong maaaring magamit para sa mga nasalanta. Dalawang taon makalipas tayong hambalusin ng bagyong ito, napakarami pa rin ang hindi naisakatuparan at kailangang gawin,” wika ni Escudero.
Ito ang napansin ni Escudero nang muling bisitahin ang Tacloban at Ormoc noong nakaraang buwan at nakita ang malaking kabiguang tugunan ang pangangailangan sa ligtas at disenteng pabahay para sa mga biktima, sa kabila ng naglalakihang alokasyon na inilaan ng Kongreso, at mas malaking ayuda ng pribadong sektor.
“Patunay lamang ito sa pangangailangan ng bansa sa isang ahensyang pamumunuan ng sinumang handang tumugon at lubos na pagtuunan ito ng atensyon,” dagdag pa ni Escudero.
Ayon pa kay Escudero, ang kabiguan ng gobyernong lubusin ang pakinabang sa mga pondong nasa kontrol ng pamahalaan katulad ng P15 bilyong pisong Quick Response Funds (QRF) na natengga sa Office of Civil Defense (OCD), ang isang bilyong pisong People’s Survival Fund (PSF) na hindi napakinabangan, at ang P382 milyong pisong “local and foreign cash donations” para sa mga biktima na patuloy na “inaamag” sa mga bangko ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
“Kailangan natin ang isang Cabinet Secretary na pag may nasalanta, pupuntahan si Gov o si Mayor at magsasabing ‘wag po kayong mag-alala, nandito kami para sa inyo; sagot namin kayo,” pagwawakas ni Escudero.
- Latest