MANILA, Philippines – Isang kawani ng non-government organization (NGO) ang nasa kritikal na kalagayan matapos itong tangkaing sunugin ng buhay ng 7 katao kahapon ng umaga sa Brgy. Buot, Cebu City.
Ang biktima ay kinilalang si Daniel Uy, 27, nagtamo ng 3rd degree burn sa katawan at nilalapatan ng lunas sa Cebu City Medical Center.
Batay sa ulat ng pulisya, bago nangyari ang insidente dakong alas-9:00 ng umaga sa Sitio Lunas, Brgy. Buot ng lungsod ay nagtungo sa bulubunduking barangay sa lugar si Uy para makipagkoordinasyon sa eskuwelahan sa isasagawang feeding program ng kanilang NGO sa mga estudyante.
Habang naglalakad ang biktima ay sinundan ito ng anim na lalaki at isang babae at binuhusan ng gasolina bago sinilaban.
Mabilis na nagsitakas ang mga suspek matapos na mamataan ang isang grupo ng mga magsasaka na palapit sa lugar.
Sinaklolohan ng mga magsasaka ang biktima at isinugod sa pagamutan.
Pinaghahanap ng mga otoridad ang pitong suspek para panagutin sa batas.