MANILA, Philippines – Posibleng gamitin ng ilang kandidato sa 2016 election ang isyu ng laglag o tanim-bala na kung saan ay umabot na sa ibang bansa ang balita.
Ito ang sinabi House Transportation Committee Chairman Cesar Sarmiento dahil sa nakapokus ngayon ang atensyon ng buong bansa, maging ng international community sa kontrobersiya na isyu.
Sa sobrang init ng usapin ay may mga politiko umano na gagamitin ito upang mapalakas ang kanilang mga kandidatura.
Siniguro naman ni Sarmiento na sila sa Kamara ay tututok lamang sa pagsisiyasat at paghahanap ng solusyon para matigil na ang laglag o tanim-bala scam.
Ayon sa kongresista na nakakaduda ang pagsulputan ng mga reklamo ng mga pasaherong nabibiktima ng modus kaya’t sa kanilang congressional inquiry ay pag-aaralan nila kung uubra na kumpiskahin na lamang ang makukuhang bala at paalisin ang pasahero.
Inihalimbawa ng solon kapag may nakitang swiss knife sa bag ay hindi makakasuhan subalit kukumpiskahin ang item.
Sa kasalukuyan ay hindi bababa sa tatlong resolusyon ang inihain sa Kamara para siyasatin ang laglag o tanim-bala scam.