Ambush: Mag-asawa todas

MANILA, Philippines – Kapwa nasawi ang isang mag-asawa nang sila ay pagbabarilin sa naganap na ambush kamakalawa ng gabi sa main road ng Brgy. Broce, SPDA Village sa Cotabato City.

Ang mag-asawang nasawi ay kinilalang sina George Busque, 70, da­ting kawani ng Human Resource and Management Office at misis na si Malou, consultant ni Cotabato City Mayor Japal Guiani Jr.

Batay sa ulat, dakong alas-6:00 ng gabi ay sakay ang mag-asawa ng kanilang Toyota Avanza (LGW 640) pauwi na sa kanilang tahanan galing ng Cotabato City.

Pagsapit sa 5th road ng nasabing barangay ay doon sila pinagbabaril ng hindi pa mabatid na bilang ng mga suspek.

Nagawa pang mapatakbo ni George ang sasakyan ng abot sa 100 metro, subalit sila ay nilapitan at mu­ling pinagbabaril para masi­gurong hindi na mabubuhay pa.

Nabatid na ang pa­nanambang sa mag-asawa ay pangalawa nang insidente na ang una ay nangyari noong Lunes ng hapon na ikinasawi ng limang katao.

Show comments