MANILA, Philippines - Labingwalong taon na pagkabilanggo ang inihatol ng Sandiganbayan laban sa dating governor at dating agriculturist ng Sarangani province na napatunayang guilty sa kasong malversation of public funds na may kinalaman sa implementasyon sa P1.44-milyong halaga ng relief program para sa mga magsasaka noong 2001.
Sa 23 pahinang ruling na ipinalabas ng Sandiganbayan Special Third Division, si dating Sarangani governor Miguel Escobar at ex-provincial agriculturist Romeo Miole ay napatunayang nag-divert ng naturang halaga ng mga agricultural relief items na laan sana sa mga magsasaka na biktima ng La Niña sa mga political supporters ng akusado.
Pinagmumulta rin ng graft court sina Escobar at Miole ng halagang P1.44 milyon bawat isa kaugnay ng kaso at pinagbawalan ng pumuwesto sa anumang tanggapan ng gobyerno.
Sa rekord, naglunsad ang Saranggani provincial government ng Sagip Taniman Program noong 2001 para mabigyan ng sako ng bigas at buto ng mais ang mga magsasaka sa lalawigan na nabiktima ng La Niña.
Sa mga papeles, nakasaad na may 1,875 sako ng bigas at 240 sako ng hybrid corn at rice seeds ang naipamahagi sa mga magsasaka sa lalawigan at ilang miyembro ng indigenous tribes doon.
Pero noong 2002, ilang tribal leaders at mga magsasaka ang humingi ng tulong sa provincial government at nagsabing hindi pa nila natatanggap ang sinasabing ayuda mula nang wasakin ng La Niña phenomenon ang kanilang pananim.
Nag-imbestiga ang Commission on Audit sa Sagip Taniman Program at dito napatunayan na may anomalya sa naturang programa.