MANILA, Philippines - Ipinag-utos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang paglikas sa libong katao sa Northern Luzon sa mga lugar na apektado ng pagtama ng bagyong Lando.
Ito ang sinabi ni NDRRMC Executive Director Alexander Pama kaugnay ng banta ng malawakang flashflood at landslide sa mga mababang lugar na babayuhin ng bagyo na may dalang malalakas na pag-ulan at ihip ng hangin.
Ang bagyong Lando ay inaasahang tatama sa kalupaan ng Aurora o Isabela sa Sabado ng gabi o linggo ng madaling araw.
Sa kasalukuyan ay nasa red alert status ang NDRRMC at mga rehiyonal na tanggapan nito sa mga lugar na apektado ng pagtama ng bagyong Lando partikular na sa Northern Luzon.
Nagbabala rin si Pama sa matataas na alon na posibleng umabot ng 14 metro o 46 talampakan kaya ipinagbabawal muna sa mga sasakyang pandagat ang pagpalalayag sa halos kalahati ng karagatang nasasakupan ng bansa mula Northern, Central at Southern Luzon.
Nabatid na nagsimula na ang preemptive evacuation nitong Sabado sa Baler, Aurora kung saan libu-libong katao na naninirahan sa mga peligrosong lugar sa mga mga mababa, tabing dagat, ilog at maging sa mga landslide prone area ang inilikas habang papalapit na ang bagyong Lando.