MANILA, Philippines – Naghain kahapon ng kanilang certificates of candidacy (COC) ang nakakulong na magkapatid na Reyes, na mga pangunahing suspek sa pagpatay kay journalist and environment activist Gerry Ortega.
Si dating Palawan Governor Joel Reyes ay tatakbong mayor ng Coron, habang ang kapatid na si dating Coron Mayor Mario Reyes Jr., ay running mate nito.
Ang magkapatid na Reyes na nakakulong sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Palawan ay nakapaghain ng kanilang kandidatura sa pamamagitan ni Coron local government unit administrator Laylde Corona.
Makakalaban ni Joel si incumbent Coron Vice Mayor Jim Gerald Pe, na tatakbong mayor sa ilalim ng Nationalist People’s Coalition (NPC), at Ajerico Barracoso, sa ilalim ng United Nationalist Alliance (UNA). Habang si Mario ay makakaharap si Joseph M. Palanca.
Magugunita na ang Reyes brothers ay nadakip sa Thailand noong Setyembre matapos ang pagtatago ng mahigit tatlong taon sa batas.