AWOL na pulis na maraming kaso, arestado

MANILA, Philippines – Isang AWOL (Absence Without Official Leave) na pulis na sangkot sa iba’t ibang kasong kriminal kabilang ang robbery at kidnapping  ang naaresto kamakalawa ng gabi.

Iprinisinta ni Manila Police District (MPD) Director P/Chief Supt. Rolando Nana  kay Interior and Local Government Secretary Mel Senen Sarmiento ang nasakoteng suspek na si PO2 Manuel Fuentes, dating nakatalaga sa Manila Police District Station 2 na idineklarang AWOL matapos na hindi mag-report sa mother unit nito sa Headquarters Support Service sa Camp Crame simula pa noong Setyembre ng taong ito.

Ang suspek ay nasa anim na taon na sa serbisyo ay inireklamo ng tambay na si Oscar Milencio ng Brgy. 232, Zone 21, Tondo, Manila matapos na umano’y utusan siyang maghanap ng shabu at ng tumanggi ay tinutukan ng baril noong Oktubre 9 dakong alas-12:00 ng tanghali kaya’t sinampahan ng kaso.

Ang suspek ay nadakip bago maghatinggabi nitong Martes matapos na umano’y magtungo sa Brgy. 232, Zone 1 upang katukin ang tahanan ni Milencio at kumbinsihing iurong ang reklamo laban sa kaniya.

Bukod sa kaso ng gun-toting ay nasasangkot din si Fuentes at isa pang pulis sa kasong robbery at kidnapping. Dinukot ng mga ito ang isang tricycle driver sa Quezon City nang ayaw sumunod sa utos nila na ibili sila ng shabu.

Show comments