MANILA, Philippines - Pinalaya na ng mga bandidong Abu Sayyaf Group kahapon ng umaga ang dinukot na Mayora ng Naga, Zamboanga Sibugay na mahigit anim na buwan na naging bihag sa isang lugar sa Sulu.
Batay sa ulat na nakarating kay Brig. Gen. Allan Arrojado, Commander ng Joint Task Group (JTG) Sulu, bandang alas-6:50 ng umaga nang ihatid si Naga Mayor Gemma Adana ng mga matatandang relihiyoso at lokal na opisyal ng munisipalidad ng bayan ng Indanan sa bahay ni Sulu Gov. Abdusakur Tan Jr.
Kasalukuyan namang inaalam ng militar kung may kapalit na ransom ang paglaya ni Adana.
Nabatid na napilitan umano ang mga kidnaper mula sa Abu Sayyaf Group (ASG) na pawalan si Adana dahilan sa matinding ‘military pressure’ ng tropa ng pamahalaan.
Magugunita na si Adana ay kinidnap ng mga armadong kalalakihan sa bahay nito sa Brgy. Taytay Manubo sa Naga, Zamboanga Sibugay noong nakaraang Abril 6 ng taong ito.- Joy Cantos, Rhoderick Beñez