MANILA, Philippines - Nasakote ng Philippine Navy (PN) gunboat ang 7 Vietnamese matapos na mahuli sa aktong nagsasagawa ng illegal fishing operation sa karagatan ng Ilocos Norte kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga nasakoteng mangingisda na sina Trian Brinoe Bao, 34; Nho Xin, 39; Phan Gien Quoc, 38; Dang Quor Hung, 41 ; Le Van Tho, 32 at dalawa pang menor de edad.
Batay sa ulat, bandang alas-8:10 ng gabi ay nagsasagawa ng maritime seaborne operation ang Philippine Navy sa pamumuno ni Commander John Montes sa bahagi ng nasabing karagatan nang mahuli sa akto ang isang kulay asul na fishing vessel ng mga Vietnamese na may body number BD97135TS.
Agad namang inaresto ng Philippine Navy ang nasabing mga Vietnamese na nahuli sa aktong nangingisda sa nasasaklaw ng 200 Exclusive Economic Zone (EEZ).
Nasamsam mula sa mga ito ang mga manta ray, tuna at sharks fin at ang fishing vessel na ginamit ng mga ito at sinampahan na rin ng kasong kriminal.