MANILA, Philippines - Pinasok ng mga hindi pa kilalang salarin ang bahay ng isang mag-asawa na mahimbing na natutulog at saka pinagbabaril na naganap kahapon ng madaling araw sa Quezon City.
Ang mag-asawa na kapwa nasawi noon din ay kinilalang sina Roberto, 35, at misis nitong si Rosabel Cuyo, 30.
Batay sa ulat, bago nadiskubre ang bangkay ng mag-asawa dakong alas-7:00 ng umaga sa loob ng kanilang bahay sa Manungdo Compound, Lansones St., Brgy. Payatas B, ay narinig ng mga kapitbahay ang sunud-sunod na putok ng baril dakong alas-12:30 ng madaling araw.
Ayon kay Mary Jane Cabalido, kapitbahay ng biktima nang marinig niya ang mga putok ng baril ay sinilip niya ito sa bintana subalit wala siyang nakitang tao sa labas na gumagala dahilan para muling matulog.
Kinabukasan niya lang nalaman ang krimen dahil sa pagkakagulo ng kanyang mga kapitbahay
Narekober ng mga miyembro ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang tatlong basyo ng kalibre 45 baril, isang plastic sachet na naglalaman ng shabu, dalawang walang lamang plastic sachet, dalawang piraso ng water pipe (tooter) na may liquid residue, piraso ng aluminum foil at dalawang piraso ng medicine droppers.
Malaki ang hinala ng pulisya na may kaugnayan sa droga ang motibo nang pagpatay sa mag-asawa dahil sa narekober na mga drug paraphernalias