MANILA, Philippines - Wala pa ring nakukuhang pruweba kung buhay pa ang 3 banyaga at 1 Pinay may dalawang linggo na ang nakakalipas nang sila ay dukutin sa Island Garden City of Samal.
Sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Director General Ricardo Marquez, nakapokus sila sa ‘proof of life’ ng mga hostages at patuloy na inaalam kung anong grupo ang nasa likod nang pagdukot sa mga biktima.
Kabilang sa mga bihag ay sina Kjartan Sekkingstad, 56, Norwegian; mga Canadian na sina John Ridsdel, 68 at Robert Hall, 50 at Pinay na si Maritess Flora.
Binihag ang mga ito matapos na salakayin ng mga armadong kalalakihan ang Oceanview Resort na pag-aari ni Sekkingstad sa Island Garden City of Samal noong Setyembre 21 ng gabi.
Wala pa ring paramdam ang grupong nasa likod nang pagdukot gaya ng paghingi ng ransom kapalit ng kalayaan bagaman ay una nang napaulat na P 20-M ang hinihingi ng grupo kapalit ng ‘proof of life’ ng mga bihag.
Sa panig naman ni AFP Chief of Staff Gen. Hernando Iriberri, hindi nila maaaring isapubliko ang mga impormasyon sa kinaroroonan ng mga hostages para na rin sa kaligtasan ng mga ito at upang hindi malagay sa peligro ang apat na target ng rescue operations.