MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ni Senator Grace Poe na mabilis pa sa alas-kuwatro ay iiwan nito ang posisyon sakaling matalo sa isyu ng citizenship.
Ayon kay Poe, irerespeto niya ang batas at iiwanan ang puwesto kung mapapatunayan na hindi siya karapat-dapat na manungkulan kung hindi natural born citizen ang isang kumakandidato na kuwalipikasyon upang maging senador o kaya ay pangulo ng bansa.
“Unang-una po, rerespetuhin natin ang batas. Kung mapatunayan nila na hindi ako karapat-dapat diyan dahil sa ating batas,” ani Poe na may kinakaharap na disqualification case sa Senate Electoral Tribunal.
Agad na ring nilinaw ni Poe na hindi lamang naman ang sarili ang kanyang ipinaglalaban dahil marami ring mga bata sa bansa na katulad niya ay napulot rin at hindi matukoy kung sino ang mga totoong mga magulang.
Ipinaalala rin nito na kung matatalo siya sa kinakaharap na “legal battle” na posibleng maging dahilan upang hindi na siya makakandidatong presidente, kasama aniya sa matatalo ang libu-libong bata na pagdududahan rin ang kanilang nasyonalidad.
Pero idinagdag rin nito na hindi siya nag-aalala dahil hindi naman umano siya atat sa puwesto.
Bagaman at hindi umano ipagpipilitan ni Poe ang sarili na manatili sa puwesto sakaling ideklara ng SET o ng Supreme Court na hindi siya isang natural born citizen, dapat hindi naman aniya kalimutan ang mahigit sa 20 milyong tao na nagluklok sa kanya sa puwesto.