MANILA, Philippines - Pitong miyembro ng kilabot na Ozamis Robbery Group ang nadakip ng pinagsamang puwersa ng PDEA, PRO4A at Cavite PNP sa isinagawang Lambat Sibat Operation kahapon ng madaling araw sa Brgy. Tanzang Luma VI, Imus City ng lalawigan.
Ang mga naarestong suspek ay kinilalang sina Noel Acalain alyas Navares, Dodong, 28, ng Brgy. Tanzang Luma VI; Erick Hechanova, 32, ng 529-B, Brgy. Malagasang 1; Antonio Villanueva, alyas Bunso/Marco, 26; ng Villaguada, Brgy. Tanzang Luma VI; Michael Ted Cruz, alyas Ted, 33 ng Villa Amparo Saroca Compound; Renante Bastasa, alyas Boyet, 34; Brgy. Bayan Luma IV; Jeremy Camo, 36, ng Villa Amparo Sarroca Compound., Brgy. Bayan Luma IV at Ricky Bulawan, 36, ng Brgy. Tanzang Luma VI, pawang sa Imus City.
Batay sa ulat, alas-4:15 ng madaling araw nang magsagawa ng operasyon ang mga otoridad sa lugar at nahuli ang mga suspek sa isang bahay habang nagsasagawa ng pot session at hindi na nanlaban.
Nasamsam ng pulisya ang 3.0 gramo ng shabu, mga paraphernalias, buy bust money at baril na cal .38 at 12 gauge shotgun at iba’t ibang klase ng bala. Ayon sa pulisya na positibo silang mga miyembro ng Ozamis Group ang mga suspek na siyang may pakana sa mga sunod- sunod na panghoholdap sa mga pawnshop at bangko sa lalawigan ng Cavite at karatig lugar.